Mga badjao na stranded sa Manila Northport Passenger Terminal, makakauwi na ng Zamboanga

Inihayag ng Philippine Ports Authority (PPA) na makakauwi na ng Zamboanga ang mga kababayan natin badjao na stranded sa Manila Northport Passenger Terminal.

Sa pahayag ni Atty. Jay Santiago, General Manager ng PPA, pansamantalang kinakalinga ng PPA sa Manila North Harbour ang mga badjao at sa Lunes ay makabibiyahe na sila pauwing Zamboanga.

Nilinaw ni Santiago na karamihan sa mga badjao ay walang maipakitang negative result ng RT-PCR test na ni-require ng Zamboanga City at hindi ng PPA.


Kaya’t dahil dito, hindi sila pinayagan noong Martes at hindi nakasakay ng barko kung saan karamihan rin sa kanila ay walang dokumentong maipakita tulad na lang ng vaccination card.

Nasa 89 na badjao ang nananatili sa Manila Northport kung saan 54 sa kanilang ay nabakunahan na.

Ito’y matapos na makipag-ugnayan ang PPA sa lokal na pamahalaan ng Maynila upang matulungan ang kababayan nating badjao.

Maging ang shipping line kung saan sasakay ang mga badjao sa Lunes patungong Zamboanga ay nakausap na rin ng PPA.

Sa ngayon, may mga pribadong indibidwal ang nag-aabot ng tulong sa mga kababayan nating badjao at maging ang Manila Local Government Unit ay nagbigay ng mga pagkain habang sila ay nananatili sa nasabing terminal.

Facebook Comments