Inihayag ni Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara na bukod sa pagtugon sa COVID-19 pandemic ay pinaglaanan din ng alokasyon sa ilalim ng 2021 national budget ang ilang bago at hindi pa napopondohang mga batas.
Sabi ni Angara, sa kanilang 2021 budget deliberations ay kanilang siniguro na hindi mawawalan ng saysay ang mga ipinasang batas na para sa kapakanan o buhay ng mamamayang Pilipino.
Ayon kay Angara, kabilang dito ang Medical Scholarship and Return Service Program o ang Doktor Para sa Bayan Act; National Integrated Cancer Control Act; Mental Health Act; at Free Internet Access in Public Places Act.
Binanggit din ni Angara ang batas para sa dagdag na teaching supplies allowance para sa mga pampublikong guro; batas para sa national ID system; Judges-at-Large Act at ang pagbuo ng Judicial Marshal Service.
Kasama rin aniya dito ang Philippine Innovation Act; Philippine Space Agency and the National Commission of Senior Citizens; National Academy of Sports at Tulong Trabaho Act.