Mga bagong heavy equipment ng DPWH na natengga ng 7 taon, nadiskubre ni PBBM; pinagagamit na kontra baha

Nadiskubre ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pitong taon nang nakatengga sa bodega ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga bagong heavy equipment nito na binili pa noong 2018 sa tulong ng World Bank.

Ayon kay Pangulong Marcos, hindi ginamit ang mga makina dahil nakalaan umano ito para sa “The Big One” o malakas na lindol na matagal nang pinaghahandaan ng bansa.

Pero para sa pangulo, hindi na dapat hintayin pa ang malakas na lindol dahil sapat na ang paulit-ulit at malawakang pagbaha para ituring bilang “Big One.”

Dahil dito, iniutos ni Pangulong Marcos Jr. na ilabas at gamitin na ang mga kagamitan para sa dredging at clearing operations sa mga ilog, estero, at daluyan ng tubig sa buong bansa.

Kasabay nito, may mga pribadong kumpanya rin na nagboluntaryong ipagamit ang kanilang heavy equipment bilang dagdag suporta sa mga proyekto ng pamahalaan laban sa matinding pagbaha.

Sa direktiba ng pangulo, uunahing linisin ang mga kritikal na daluyan ng tubig sa Metro Manila bago isunod ang mga rehiyong madalas bahain, bilang bahagi ng pinalakas na kampanyang Oplan Kontra Baha ng gobyerno.
\

Facebook Comments