Mga bagong kalihim ng DND at DOH, malaki ang maitutulong para sa pagtugon sa mga hamon ng bansa – Sen. Zubiri

Tiwala si Senate President Juan Miguel Zubiri na malaking tulong para sa pagtugon sa mga hamon ng ating panahon ang pagkakatalaga ng mga bagong kalihim sa Department of Defense (DND) at sa Department of Health (DOH).

Si Gilbert Teodoro Jr., ang itinalaga na Defense secretary habang si Dr. Teodoro Herbosa naman ang bagong Health secretary.

Ayon kay Zubiri, sa pagkakatalaga kina Teodoro at Herbosa ay naresolba na ng pangulo ang pagharap sa dalawa sa mga malalaking isyu sa bansa, ang ating territorial integrity at ang tuluyang pagbangon mula sa pandemya.


Aniya, si Teodoro ay subok nang public servant at tiwala itong mapapangasiwaan niya ng mahusay ang DND sa gitna na rin ng umiinit na tensyon sa ating territorial waters.

Matatandaang nagsilbi na rin noong kalihim ng DND si Teodoro sa panahon ni dating Pangulong Gloria Arroyo.

Samantala, ang pagkakatalaga naman ng pangulo kay Herbosa sa DOH na isang bihasang public health expert ay isang magandang pagkakataon lalo pa’t kapapasa lang din sa bicameral ang isinusulong na Regional Specialty Centers.

Umaasa si Zubiri na pangungunahan ng bagong Secretary ang ‘whole-of-nation approach’ sa pagpapahusay ng ating public health services.

Facebook Comments