Umapela si Ang Probinsyano Partylist Rep. Alfred Delos Santos sa Local Government Units (LGUs) at sa mga ahensya ng gobyerno na huwag munang singilin ng business registration fees ang online sellers.
Ang panawagan ng kongresista ay bunsod na rin ng pagtaas ng bilang ng mga Pilipinong nawalan ng hanapbuhay at nagsisimulang magbenta ng mga produkto online para maka-survive sa gitna ng pandemya.
Hiniling ni Delos Santos na suportahan ang mga bagong Pinoy entrepreneur sa pamamagitan ng hindi muna pagpapabayad sa kanila ng business registration.
Paliwanag ng kongresista, sa ganitong paraan ay mas maraming MSMEs ang mahihikayat na magparehistro sa LGUs, Department of Trade and Industry (DTI) at Bureau of Internal Revenue (BIR) na makakatulong din sa mga nabanggit na tanggapan na ma-regulate ang mga negosyo sa hinaharap.
Pero iginiit nito na dapat ang iprayoridad muna ng gobyerno ay ang tulungan ang mga maliliit na negosyo na magpa-register upang mapalakas ang mga ito.
Hinikayat din ng mambabatas ang DTI at BIR na kumilos para sa kampanya na maipaalam sa mga bagong nagsulputan na small businesses ang kahalagahan at benepisyong makukuha kapag na-i-rehistro ang kanilang mga negosyo.