
CAUAYAN CITY – Pormal ng binuksan ang iba’t ibang proyektong pang-imprastraktura, pangkabuhayan, at pang-edukasyon sa lungsod ng Cauayan bilang bahagi ng 24th Cityhood Anniversary.
Kabilang sa mga inilunsad na proyekto ay ang swine multiplier farm at road concreting project sa Barangay San Pablo, drainage repair sa Barangay Alicaocao-Cabaruan, Cauayan North Central School, at Muslim Center – Beverly Subdivision, pagtatayo ng 21st-century classroom sa North Central School, at Livelihood Training Center sa Barangay Tagaran,
Ipinamahagi din ang rescue boat at SWAT truck kasabay ng pagbubukas ng blood bank, bagong-renovate na F.L. Dy Coliseum, at queuing system sa Cauayan City Hall.
Samantala, pormal ding binuksan ang SDG/Youth Center sa Children’s Park kung saan dumalo si Congressman Faustino “Inno” Dy, na naglaan ng pondo para sa naturang proyekto.
Kasama rin sa programa ang mga kinatawan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na nanguna sa paglulunsad ng Digital Transformations Center.
Ayon kay Cauayan City Mayor Caesar Dy, ang mga proyektong ito ay patunay ng patuloy na pag-unlad ng Cauayan at isang hakbang upang mapabuti ang kalidad ng buhay ng mga mamamayan.