Hinikayat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang bagong batch nang mga nagtapos sa Philippine National Police Academy (PNPA) Masidtalak Class of 2023 na tumulong sa Philippine National Police (PNP) para maibalik ang tiwala ng mga Pilipino sa ahensya.
Sa talumpati ng pangulo sa ika-44 na PNPA Commencement Exercise na ginanap sa Camp General Mariano Castañeda sa Silang, Cavite, sinabi nitong kailangan muling makilala ang PNP bilang mga protektor at defender para sa peace and order at karapatang pantao ng mga Pilipino.
Bukod dito, kailangan ding ipakita sa publiko na ang BJMP ay ligtas na lugar para sa mga Persons Deprived of Liberty (PDL) at ang Bureau of Fire Protection (BFP) ay protektor ng mga Pilipino laban sa mga sakunang dulot ng sunog at iba pang emergencies.
Mahalaga rin ayon sa pangulo na palaging papairalin ng mga bagong graduates ang patas na pamamaraan sa pagtupad nang kanilang duties at responsibilities.
Iwasan rin ayon sa pangulo ang favoritism o discrimination para sa lahat ng mga Pilipino dahil ito ang totoong public service na mayrooong equal rights at opportunities para sa lahat.
Samantala, nagpasalamat naman si Pangulong Marcos Jr., sa lahat ng officers at tauhan ng PNP, BFP at BJMP sa dedikasyon ipinakita ng mga ito para tuparin ang kanilang trabaho lalo na noong kasagsagan ng global health crisis.
Pinuri rin ng pangulo ang mga officers at tauhan ng PNP, BFP at BJMP dahil sa effort para mabawasan ang krimen at iligal na droga sa bansa.
Pagtitiyak ng pangulo na susuportahan ng Marcos administration ang mga programa at plano para mas magkaroon ng payapang Pilipinas.