Mga bagong riles ng tren naikabit na, ayon sa MRT 3 management

Asahan na ang suwabe at iwas sa pagkatagtag sa biyahe ng mga sumasakay sa tren ng Metro Rail Transit o MRT Line 3.

Nailagay na kasi ang mga bagong riles sa mga istasyon mula sa North Avenue station hanggang sa Quezon Avenue station Southbound noong 20 Pebrero 2020.

Nauna nang naikabit ang mga bagong riles mula Cubao station hanggang Santolan station Southbound.


May kabuuang 139 long-wielded rails na may habang tig-180 na metro na ang nailagay sa linya ng MRT-3 mula nang magsimula ang rail replacement activities noong Nobyembre 2019.

Dahil dito, masosolusyunan na ang nagiging sanhi ng pagkakaroon ng aberya sa operasyon.

Magreresulta rin ang paglalagay ng mga bagong riles na maiakyat ang bilis ng mga tren mula 30kph hanggang 60kph.

Mababawasan din ang ‘headway’ o ang pagitan ng dating ng mga tren, mula 8.5 minuto pababa ng 3.5 minuto.

Ang pagpapalit ng riles ay hindi naman nakakaapekto sa operasyon ng MRT-3 sapagkat ito ay ginagawa tuwing ‘non-revenue hours’ o mga oras na walang operasyon, mula alas-11 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw.

Pagdating ng Pebrero 2021, inaaasahan na bagung-bagong mga riles na ang naikabit sa linya ng MRT-3.

Facebook Comments