Nagpapasaklolo ang Department of Public Works and Highways (DPWH) Region 6 sa kanilang central office na payagan silang magamit ang balanseng 91 milyong piso mula sa naudlot na pag-retrofit sana sa tulay sa Antique, ngunit tuluyan itong na washed out nang manalasa ang Bagyong Paeng.
Sa ginanap na situation briefing sa Antique sa harap ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., sinabi ni DPWH Region 6 Director Nerie Bueno na umabot sa kabuuang 119 na mga imprastraktura ang mga nasira nitong nagdaang Bagyong Paeng.
68 sa mga nasira ay mga kalsada, 41 mga tulay, 10 naman ang mga nawasak na istraktura.
Tatlo sa mga tulay na ito ay sa Antique, 2 sa Iloilo.
Sa kasalukuyan, sinabi ni Bueno kay Pangulong Marcos na hirap silang makagalaw sa Antique dahil wala silang alternate route kundi footbridge na ginawa pansamantala para makatawid lamang ang mga tao.
Na -washed out kasi ang mismong tulay pati na ang pinaka- poste nito, na siyang tanging daanan ng mga sasakyan at nag-uugnay sa Antique patungo sa kabilang isla o lugar.
Sinabi pa ni Bueno, hindi sila pwedeng gumawa lamang ng assembled bridge dahil hindi ito magiging matatag.
Mayroon pa aniya silang natitirang 91 milyong piso pero hindi nila magamit dahil baka makasuhan sila ng malversation of public fund.