Mga baguhang senador posibleng mahulog sa minority bloc dahil sa pakikipagmatigasan sa committee chairmanship

Manila, Philippines – May babala si Senator Panfilo Ping Lacson sa mga baguhang senador na nakikipagmatigasan sa mga incumbent senators para makuha ang gusto nilang komite.

Sabi ni Lacson, ang paghahangad sa mga malalaking komite ng neophyte senators ay posibleng maghulog sa kanila sa minority bloc.

Ginawa ni Lacson ang pahayag makaraang palutangin ng ilang baguhang senador na maari silang bumuo ng sariling grupo para ilaban si Senator Cynthia Villar kay Senate President Tito Sotto III sa 18th Congress.


Paliwanag ni Lacson, kapag nabigo ang mga ito na makakuha ng 13 boto mula sa mga senador para baguhin ang liderato ng Senado ay otomatikong mapapabilang sila sa minority bloc.

Kasabay nito ay pinagsabihan din ni Lacson ang neophyte senators na igalang ang naging tradisyon na pagpaparaya sa mga incumbents senators pagdating sa pagpili ng pamumunuang komite.

Dagdag pa ni Lacson, hindi basta-basta ang pagiging chairman ng isang komite dahil kailangan silang mag-aral na mabuti para makapagdepensa ng panukalang batas na isasalang sa matitinding debate sa plenaryo.

Facebook Comments