Manila, Philippines – Pinapalagyan ni Senate Minority Leader Franklin Drilon sa 2019 budget ng 2.5 billion pesos ang pagtatayo at pagmantini ng mga Bahay Pag-asa.
Sa kanyang sulat sa chairman ng Senate Finance Committee ay inirekomenda ni Drilon na idagdag ang nabanggit na salapi sa budget ng Department of Social Welfare and Development o DSWD.
Ang hakbang ni Drilon ay makaraang lumabas sa mga pagdinig na isinagawa ng Senado na kulang at hindi napapatakbo ng maayos ang mga Bahay Pag-asa sa buong bansa.
Ito ay dahil hindi naipapatupad ang itinatakda sa Juvenile Justice and Welfare Act na ang mga Local Government Units (LGUs) ang may responsibilidad na magpatayo at mamahala sa mga Bahay Pag-asa kung saan mag-aambag lang ang DSWD ng 5-milyong piso.
Sa Bahay Pag-asa ipapasok ang mga menor de edad na makagagawa ng paglabag sa batas.