Iginiit ni Senator Francis Tolentino sa National Housing Authority (NHA) na bumalangkas ng patakaran para mapaokupahan na ang mga nakatiwangwang na government housing unit.
Katwiran ni Tolentino, na siyang Chairman ng Senate Committee on Urban Planning, Housing and Resettlement, mainam na mapakinabangan na ito ng mga kwalipikadong benepisyaryo tulad ng mga walang tirahan at mga mahihirap.
Diin ni Tolentino, ang mga government housing unit ay maikokonsiderang public good na dapat ay pakinabangan ng general public.
Pinapatiyak naman ni Tolentino sa NHA na mabigyan ng makatwirang kompensasyon ang mga original tenant ng mga nakatiwangwang na pabahay ng pamahalaan na nagsimula ng maghulog ng monthly amortization pero nabigong mag-okupa rito sa loob ng tatlong taon.
Ipinunto ni Tolentino na kung hindi magagamit ang mga government housing unit ay mababalewala ang layunin nito na matulungan ang mga walang tahanan sa bansa tulad ng informal settlers at mga biktima ng kalamidad.
Sa pagdinig ng Senado ay tiniyak naman ni NHA General Manager Marcelino Escalada Jr., na agad silang bubuo ng patakaran para sa re-awarding ng murang housing units ng gobyerno na nananatiling bakante sa loob ng itinakdang panahon.