Pinasosolusyunan ni Senate Majority Leader Joel Villanueva sa pamahalaan ang matagal ng problema sa mga bakanteng posisyon sa mga opisina at mga ahensya.
Sa briefing sa Senado ng Development Budget Coordinating Committee kaugnay sa 2023 National Expenditure Program, iginiit ni Villanueva na mula pa 2017 ay kanya ng paulit-ulit na binabanggit ang isyu.
Mayroon naman aniyang pagbabago simula nang talakayin ang problema sa mga “unfilled positions” ng pamahalaan pero ito ay minimal o kakaunti lang.
Binigyang diin ni Villanueva na batay sa Financial Year 2023 Staffing Summary ng Department of Budget and Management (DBM), isa sa kada sampu o katumbas ng 170,668 na posisyon sa gobyerno ay nananatiling bakante.
Mahalaga aniyang maipaliwanag ng pamahalaan ang malaking bilang ng mga bakanteng posisyon sa kabila ng naitala ng Civil Service Commission (CSC) noong June 30 na mayroong 642,077 na mga government workers ay nasa ilalim ng Job Order (JO) at Contract of Service (COS).
Giit ni Villanueva, nasasaktan umano siya na ang pamahalaan pa ang numero unong lumalabag sa ginagarantiya ng konstitusyon na pagkakaroon ng seguridad sa trabaho.