Nananawagan si Committee on Health Chairman Senator Christopher “Bong” Go kay Pangulong Rodrigo Duterte na magbigay ng cash incentives sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps na magpapabakuna laban sa COVID-19.
Ang apela ni Go sa pangulo ay bilang pagkontra sa isinusulong ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na huwag bigyan ng ayuda ang 4Ps members na hindi pa nababakunahan.
Giit ni Go, mahirap talaga ang maging mahirap kaya hindi dapat dagdagan ang pahirap sa 4Ps beneficiaries sa pamamagitan ng pag-ipit sa kanilang ayuda kapalit ng pagpapabakuna.
Tinukoy ni Go na base sa datos ng Department of Social Welfare and Development ay 16% pa lamang sa 4.17 million active 4Ps beneficiaries ang nababakunahan kontra COVID-19.
Diin ni Go, sa halip na gipitin ay mas mainam na tulungan sila at ipaintindi sa kanila kung bakit mahalaga ang COVID-19 vaccine upang maproteksyunan ang buhay at kabuhayan ng lahat.
Ayon kay Go, kailangang mapa-igting pa ang vaccine rollout upang suyurin at iengganyo sila na huwag matakot sa bakuna dahil ito ang tanging paraan upang malampasan natin ang krisis na dulot ng pandemya.