Iminungkahi ni Senator Joel Villanueva sa gobyerno na magsagawa ng pagbabakuna sa mga kababayan nating nasa mga evacuation centers upang maiwasan ang pagkakaroon ng “COVID-19 super-spreader event” sa mga naturang lugar.
Tinukoy ni Villanueva na sa tala ng gobyerno ay aabot na sa 14,000 katao mula sa iba’t-ibang bahagi ng Luzon ang lumikas sa kani-kanilang mga tahanan dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan dulot ng Bagyong Fabian sa mga nakalipas na araw.
“Bigyan na po natin ng bakuna ang mga bakwit para mapabilis pa ng husto ang roll out,” ani Villanueva.
Suhestyon ni Villanueva, ipabilang na sa mga health personnel na nag-momonitor sa mga evacuation centers ang mga bakwit na hindi pa bakunado para agad mabigyan ng COVID-19 vaccine.
Paliwanag ni Villanueva, karaniwang “kulob at siksikan” ang mga evacuation centers na maaaring maging sentro ng pagkalat ng COVID-19, lalo na ang mas nakakahawang Delta variant.
“Karaniwang “kulob at siksikan” ang mga evacuation centers na maaaring maging sentro ng pagkahawa-hawa sa COVID-19, lalo na sa tila mas nakakahawang Delta variant, paliwanag ng senador,” sabi pa ng senador.
Ayon kay Villanueva, kung mayroon preemptive evacuation, ay dapat mayroon ring preemptive vaccination upang sa pagbalik ng mga bakwit sa kanilang tahanan sila ay bakunado na at may karagdagang proteksyon laban sa sakit.
“Kung mayroon pong preemptive evacuation, dapat mayroon ring preemptive vaccination. Kaya kung lilisan man sila at uuwi na sa kani-kanilang mga tahanan, uuwi po silang bakunado at may karagdagang proteksyon laban sa sakit,” ayon kay Villanueva.
Hiniling din ni Villanueva sa Inter Agency Task Force (IATF), na ilagay din sa prayoridad ng mga babakunahan ang mga residenteng nakatira sa tinatawag na “danger areas” o mga lugar na karaniwang binabaha o apektado ng mga kalamidad.