Inirerekomenda sa Kamara na patawan ng mabigat na parusa ang mga “balasubas” na magulang na hindi magbibigay ng pinansyal na suporta sa anak o mga anak.
Ito ay nakapaloob sa House Bill 44 o “Child Support Enforcement Act” na inihain ni Northern Samar Rep. Paul Daza kung saan nakasaad na hindi dapat bababa ang “child support” o sustento sa ₱6,000 kada buwan o ₱200 kada araw.
Kung ang magulang ay walang trabaho, tutulong naman ang gobyerno na mabigyan ito ng hanapbuhay upang makapagbigay ng sustento.
Mahaharap naman sa parusang 2 hanggang 4 na taong kulong, at ₱100,000 hanggang ₱300,000 na multa ang magulang na bigong magkaloob ng pinansyal na suporta.
Katwiran ni Daza, hindi naman pinili ng mga bata na ipanganak sila kaya bakit ang mga ito ang magdurusa kapag nagdesisyong maghiwalay ang mga magulang.
Dagdag pa ni Daza, bagama’t mayroon nang Solo Parent Welfare Act (RA 8972) at Violence against Women and Children Act (RA 9262), naniniwala ang kongresista na kulang pa rin ang mga ito para matiyak ang proteksyon at sustento ng magulang sa mga anak.