Umapela si Assistant Majority Leader at ACT-CIS Partylist Rep. Niña Taduran na huwag nang obligahin ang mga fully vaccinated na balikbayan at Overseas Filipino Workers (OFWs) na sumailalim sa mandatory quarantine pagdating ng bansa.
Naniniwala si Taduran na ang 7-day mandatory quarantine sa mga government facility ay dagdag pahirap lamang sa mga returning overseas Filipinos na kumpleto na ng bakuna.
Ipinunto ni Taduran na marami sa mga balikbayan ang limitado lamang ang pera at ang panahon ng pananatili sa bansa.
Kaya naman, nananawagan si Taduran sa Inter-Agency Task Force (IATF) at sa Department of Health (DOH) na irekonsidera ang requisite quarantine lalo na sa mga kababayang kumpleto naman ng bakuna at walang sintomas ng virus sa pagbabalik bansa.
Napatunayan na rin aniya sa pag-aaral ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC) na ang mga taong fully vaccinated partikular ang mRNA vaccine ay mas mababa ang tsansang maging asymptomatic at makapanghawa ng virus.
Dagdag pa ng lady solon, ilan na sa mga bansa sa Europa at Amerika ang niluwagan na ang travel restrictions para sa mga byaherong nakakumpleto na ng COVID-19 vaccine kaya hindi na dapat pang pahirapan ang ating mga kababayan.