Ibinalik na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa Senado ang mga ballot boxes na naglalaman ng certificates of canvass (COCs) at election returns (ERs) na ginamit kamakailan para mabilang ang boto ng pangulo at pangalawang pangulo.
Pinangunahan ni Plenary Security Unit Chief Policarpio Acoba Jr., at Perimeter Security Chief Juanito Tan Jr., ang pag-turnover ng ballot boxes sa Senate team na ginawa nitong Biyernes.
Kabuuang 630 ballot boxes o 447 ballot boxes na naglalaman ng ERs, 183 naman na naglalaman ng COCs at tatlong karagdagang ballot boxes na hindi kasama sa orihinal na delivery ang naibalik na sa pangangalaga ng Senado.
Matapos ang canvassing ng National Board of Canvassers o NBOC-Congress noong Miyerkules ay agad na ring ipinag-utos ni Senate President Tito Sotto sa Senate Secretary na ibalik na ang Consolidation and Canvassing System (CCS) machine, ballot boxes at diplomatic pouches na naglalaman ng COCs at ERs sa Commission on Elections (COMELEC).
Samantala, hanggang ngayong June 3 na lamang ang sesyon ng Kongreso at “sine die adjournment” na at magbabalik sa July 25 o sa unang State of the Nation Address (SONA) ni President-elect Bongbong Marcos.