Manila, Philippines – Tiniyak ng Palasyo ng Malacañang na walang anomang kinalaman ang mga pagbanat ni Pangulong Rodrigo Duterte sa simbahang katoliko sa nangyaring pagpapasabog sa Our Lady of Mt. Carmel Cathedral sa Jolo Sulu noong nakaraang araw ng Linggo na ikinamatay ng mahigit 20 tao at ikinasugat naman ng mahigit 100 iba pa.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, wala talaga itong kinalaman dahil galit pa nga ang Pangulo sa insidente sa kabila ng masidhing pagsusulong ng kapayapaan sa buong Mindanao.
Sinabi pa ni Panelo na ang mga pananalita ni Pangulong Duterte laban sa ilang taga Simbahan ay bahagi lamang ng freedom of expression at paglalabas lamang ng kanyang saloobin dahil sa hindi magandang karanasan noong ito ay bata pa lamang.
Binigyang diin ni Panelo na kahit pa mainit ang dugo ng Pangulo sa ilang mga taga simbahan ay hindi naman magagawa ng Pangulo na gumawa ng anomang pisikal na pagatake sa mismong simbolo ng katolikong pananampalataya.