Sa kabila ng maaanghang na salita ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, nagpaabot pa rin ng pagbati si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., para sa nalalapit na kaarawan ng dating pangulo sa March 28.
Ayon kay Pangulong Marcos, hindi siya namemersonal kahit pa isa si dating Pangulong Duterte sa mga hayagang bumabatikos sa kaniya, lalo na sa isyu ng Charter Change.
Bagama’t hindi aniya madali ay naihihiwalay naman ng pangulo ang trabaho at personal na isyu kaya wala itong problema sa kaniya.
Dagdag pa ni Pangulong Marcos, kahit may opisyal na pagbati na ipapadala ang Office of the President ay babatiin pa rin niya si dating Pangulong Duterte, dahil personal naman niyang kilala ito.
Matatandaang binatikos ni Duterte si Pangulong Marcos sa isyu ng Charter Change at inakusahan pa niya ito sa illegal na droga, habang ang pinakahuling banat ay ang pagsuporta umano nito sa term extension gaya ng ginawa ng kaniyang ama para manatili sa pwesto.