Mga banat ni VP Sara laban kay Pangulong Marcos, ayaw nang patulan ng Malacañang

Deadma ang Malacañang sa mga patutsada ni Vice President Sara Duterte laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ito’y matapos magpaulan ng maaanghang na salita si VP Sara laban sa pangulo sa naging press briefing nito kaninang umaga, kabilang na ang pagsasalarawan niyang hindi marunong ang presidenteng nakaupo, at nasa “road to hell” ngayon ang Pilipinas.

Ibinahagi rin nito na pinagbantaan niya si Senator Imee Marcos sa kanilang group chat na kung hindi aniya titigil ang kanilang kampo, ay huhukayin nito ang labi ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. sa Libingan ng mga Bayani at itatapon sa West Philippine Sea (WPS).


Ayon kay Presidential Communication Office acting Secretary Cesar Chavez, hindi nila papatulan ang mga pag-atake ni VP Sara.

Wala rin umano silang planong maglabas ng pahayag hinggil dito.

Matatandaang naunang sinabi ng pangulo na tila naloko lamang siya dahil inakala niyang isang kaibigan ang bise presidente, bagay na binweltahan naman ni VP Sara.

Facebook Comments