Mga bangkang de-motor, dapat obligahin na maglaan ng life jackets para sa mga pasahero

Iginiit ni Quezon City Rep. Marvin Rillo ang obligadong pagsusuot ng life jackets ng lahat ng pasahero ng motorized boats.

Mungkahi ito ni Rillo kasunod ng paglubog ng MB Aya Express sa Laguna Lake na sakop ng Binangonan, Rizal kung saan 27 katao ang nasawi.

Diin ni Rillo, dapat nakasuot ng life jackets sa lahat ng pagkakataon ang mga sakay ng bangkang de-motor dahil ito ay paraan ng pag-iingat na magliligtas sa kanila sakaling magkaroon ng trahedya.


Inihalimbawa ni Rillo ang mga motorized boats na ginagamit sa island-hoping tour, kung saan sinisiguro na ang mga sakay ay nakasuot ng life jackets para sa kanilang kaligtasan.

Binanggit ni Rillo na dapat ding sumunod sa ganitong patakaran ang mga maliliit o light watercraft gaya ng mga bangkang de-motor na ginagamit bilang uri ng transportasyon sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan tulad ng Rizal at Laguna.

Facebook Comments