Isasapubliko ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang pangalan ng 176 bilanggo ng New Bilibid Prison (NBP) na nasawi at naipon ang mga bangkay sa isang punerarya sa Muntinlupa City.
Sa pulong balitaan dito sa Senado, sinabi ni Remulla na kagabi lang naisumite ang mga pangalan ng mga bangkay kaya hindi pa niya naisa-isa ang mga ito at napag-alaman na may ilang bangkay ang lagpas na sa tatlong buwan na nasa punerarya.
Tiniyak ni Remulla na aabisuhan ang pamilya ng mga nasawi at sakali namang hindi makontak ang mga kaanak ay magpapasya na silang ipalibing o kaya ay ipa-cremate ang mga bangkay.
Mayroon na rin aniyang arrangements ang Department of Justice (DOJ) sa UP College of Medicine para tukuyin ang mga bangkay na kailangang ilibing o i-cremate at iyong mga isasailalim sa autopsy.
Kapag ang edad ng bangkay ay higit sa 60 taong gulang na ay hindi na ito irerekomenda para sa otopsiya.
Nilinaw naman ni Remulla na walang planong papanagutin sa mga natagpuang bangkay si suspended Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gerald Bantag at patuloy pa ang imbestigasyon dahil buong BuCor system ang usapin dito.