Mga bangko, hinimok na padaliin ang cash remittances ng mga land-based OFWs

Manila, Philippines – Hinikayat ni House Committee on Banks and Financial Intermediaries Vice Chairman Henry Ong ang mga banking at remittance sector sa bansa na gawing madali ang pagpapadala ng remittance ng mga OFWs ngayong nalalapit nakapaskuhan.

Ito ay kasunod ng pagkabahala ng kongresista sa ulat ng Bangko Sentral ng Pilipinas na bumaba ng mahigit 8% ang cash remittances dahil na rin sa desisyon ng ilang bangko sa abroad na pagtuunan lamang ang kani-kanilang mga home market.

Inirekomenda ni Ong sa banking and remittance sector dito sa bansa na magbukas ng mga bagong service facilities, pahabain ang banking hours, paghusayin ang online services, at makipag-tie-up sa mga money transfer agency.


Layunin nito na hindi maapektuhan ang mga kaanak sa Pilipinas na naghihintay ng padala mula sa abroad dahil pinaniniwalaang ito ay may negatibong epekto sa ekonomiya ng bansa.

Inaasahan namang dadagsa ang pagpasok ng remittances mula Nobyembre hanggang sa Enero ng susunod na taon.

Samantala, ang mga bansang Saudi Arabia, Kuwait, Qatar, at Australia ang mga nagtala ng pinakamalaking pagbaba sa halaga ng remittance na nasa $2.2 Billion dollars mula sa dating $2.8 Billion noong Agosto 2017.

Facebook Comments