Duda si Senate Committee on Ways and Means Chairman Sherwin Gatchalian na posibleng nagsabwatan ang mga bangko matapos na matuklasan ang 36 na bank accounts ni suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Sa pulong balitaan, ibinulgar ni Gatchalian na mula 2019 hanggang 2022 ay malalaking halaga ng pera ang pumapasok sa mga bank accounts ni Guo.
Pero, ngayon lamang 2024 nai-report ng mga bangko sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang bilyon-bilyong piso na nasa account nito.
Sinabi pa ni Gatchalian na malaking halaga ng bilyones na pumasok sa mga bank accounts ng suspendidong alkalde ay mula sa China.
Binigyang-diin ng senador na may pananagutan dito ang mga bangko dahil malaki ang kanilang pagkukulang sa hindi pagre-report ng mga kahina-hinalang bank accounts.
Maghahain ng hiwalay na resolusyon si Gatchalian para silipin ang isyung ito para maisaayos ang proseso at compliance ng mga bangko sa bansa.