Kinalampag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang mga bansang nagdudulot ng matinding epekto ng pagbabago ng klima sa mundo.
Ito ay kasabay nang kanyang paghikayat sa mga miembro ng ASEAN o Association of Southeast Asian Nations na palakasin ang kanilang mga aksyon upang mahimok ang mga lumalagong bansa na sundin ang kanilang pangako laban sa climate change.
Kabilang sa mga pangakong ito ay ang pagkakaloob ng pondo sa mga bansang nakararanas ngayon ng matinding epekto ng climate change kasama na ang Pilipinas.
Sa intervention ng pangulo sa ginanap na plenary sa 43rd ASEAN Summit and related summits kahapon, sinabi ng pangulo na dapat ding magpatupad ang mga bansang nagdudulot ng matinding epekto ng climate change nang pag-develop ng teknolohiya at palakasin ang capacity building.
Ito ay para mahusay na mapangasiwaan at maka-adapt sa epekto ng pagbabago ng klima o maiwasan ang mga epektong ito.
Pagbibigay diin ng pangulo na ang pagbabago ng klima ay ang pinakamatinding banta sa pag-unlad ng isang bansa.
Kaya naman ayon sa pangulo na ipagpapatuloy ng gobyerno ng Pilipinas ang mga pakikipag kooperasyon upang gawing climate smart at handa sa sakuna ang ASEAN.