Mga barangay at lokal na pamahalaan, oobligahing magpasa ng ordinansa laban sa online sexual abuse

Iniutos ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na pamahalaan at mga barangay na magpasa ng mga ordinansa para sa pagbibigay proteksyon sa mga bata laban sa online sexual abuse.

Sa Malacañang press briefing, sinabi ni DILG Secretary Benhur Abalos na gagawin nila itong mandatory sa lahat ng Local Government Unit (LGU).

Kailangan din aniyang sanayin ng mga LGUs at barangay ang kanilang mga tauhan kung papano tumugon sa mga reklamo ng online sexual abuse na idudulog ng kanilang mga nasasakupan.


Dagdag pa ni Abalos, iniutos na rin niya sa DILG at PNP na lumikha ng mga programa na magtataguyod sa proteksyon ng mga bata laban sa mga online predator.

Mahalaga aniya ang magtulungan ang lahat, mula barangay, pulis, social workers at prosekusyon para tugunan ang dumaraming kaso ng pang-aabuso sa mga bata.

Facebook Comments