Umaapela si Deputy Speaker Benny Abante na isama sa prayoridad sa COVID-19 vaccination rollout ang mga barangay frontliners.
Ayon kay Abante, dapat lamang na maisama sa priority list ang mga barangay officials, workers at mga tanod sa vaccination program dahil madalas na lantad ang mga ito sa COVID-19.
Nakatanggap kasi ang kongresista ng mga reports sa kanyang distrito na ilang mga barangay officials na ang nagkasakit ng COVID-19 habang tinutupad ang kanilang trabaho habang may ilang pumanaw dahil sa sakit.
Katwiran ng kongresista, mula sa simula ng pandemya ay naging katuwang ng gobyerno ang mga barangay frontliners sa pamamahagi ng tulong, pagbabantay sa COVID-19 cases sa mga komunidad, pagpapanatili ng kaayusan at pagtiyak na nasusunod ang mga ipinapatupad na health protocols.
Tinukoy ni Abante na sa oras na umpisahan na ang pagbabakuna sa publiko ay tiyak na kakailanganin din ang tulong ng mga barangay workers kaya marapat lamang na maisama sila sa mga prayoridad na mabakunahan bukod pa sa mga barangay health personnel.