Mga Barangay Health Workers (BHWs) na bigo pa ring makatanggap ng SRA, iimbestigahan sa Kamara

Ipinasisilip sa Kamara ni Bulacan Rep. Jose Antonio Sy-Alvarado ang problema na marami pa ring Barangay Health Workers (BHWs) ang hindi pa rin nakatatanggap ng kanilang Special Risk Allowance (SRA).

Tinukoy sa House Resolution 2426 na inihain ng kongresista na mula nang magsimula ang COVID-19 pandemic ay itinuturing na “frontliner” ang mga barangay health workers.

Iginiit sa resolusyon ang kahalagahan na magdaos ng congressional inquiry “in aid of legislation” upang malaman ang rason ng “unreleased” o hindi pa nailalabas na SRA ng mga BHWs.


Aalamin din sa imbestigasyon kung ilan pa ang mga BHWs na hindi pa nakakakuha ng naturang benepisyo.

Batay sa Republic Act 11469 o Bayanihan to Heal as One Act,” ang gobyerno ay dapat magbigay ng SRA sa lahat ng public at private health care workers, kasama ang barangay health workers na direktang tumutugon sa mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19.

Ngunit sa kasalukuyan, maraming BHWs na dumadaing dahil hanggang ngayon ay wala pa rin silang natatanggap na SRA.

Facebook Comments