Inihayag ngayon ng Navotas City Government na aabot sa P1.04 milyon ang inilaang pondo ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas at ipinamahagi sa mga barangay health workers bilang pinansiyal na tulong ngayong panahon ng Kapaskuhan.
Ayon kay Navotas City Mayor Toby Tiangco, may kabuuang 208 barangay health workers sa lungsod ang naglingkod bilang bahagi ng barangay health emergency response teams sa loob ng hindi bababa ng tatlong buwan.
Paliwanag ng alkalde, bawat isa sa kanila ay binigyan ng tig-P5,000 kung saan hangad ng pamahalaang lungsod na mabigyan ng pagkilala at parangal ang sakripisyo at kontribusyon ng mga barangay health workers sa paglaban sa COVID-19.
Hindi man daw kalakihan ang ipinagkaloob na benepisyo kumpara sa kanilang sakripisyo, umaasa ang Local Government Unit (LGU) nito na sa pamamagitan lamang nito, maiparamdam sa kanila ang pagpapahalaga at pagpapasalamat.