Mga Barangay na Apektado ng Insurhensiya, Nagsagawa ng Peace Rally

Cauayan City, Isabela- Magkakasunod na nagsagawa ng Peace rally konta sa teroristang Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) ang mga residente sa tatlong barangay na apektado ng insurhensiya sa bayan ng Sto. Niño, Cagayan.

Sa loob ng kasalukuyang buwan ng Marso, nasa mahigit kumulang 1,000 na mga residente mula sa mga Barangay Abariongan Uneg, Balagan, at Calasitan ng nasabing bayan ang tuluyang tumalikod at nagtakwil sa mga miyembro ng teroristang CPP-NPA.

Ayon sa inihayag ng mga residente sa mga nabanggit na lugar, walang magandang naidulot sa kanila ang rebeldeng CPP-NPA kundi pawang pagpapahirap lamang sa kanilang pamumuhay dahil sa kanilang mga ginagawang pang aabuso at pagkontra sa gobyerno.


Bilang patunay sa kanilang pagtatakwil sa rebeldeng grupo ay kanilang sinunog ang bandila ng teroristang CPP-NPA-NDF.

Sa naturang aktibidad, kinondena rin ng mga residente ang ginagawang pagre-rekrut ng mga teroristang CPP-NPA sa mga menor de edad at mga katutubo agta.

Sa naging pahayag ni Ginoong Remy Baguinat, lider ng Agta Community sa Barangay Calassitan, nanawagan siya sa mga teroristang CPP-NPA na itigil na ang parerekrut, paggamit, at panlilinlang sa katulad nilang mga katutubo.

Sa kanyang naging rebelasyon, ilan sa mga menor de edad na katutubong agta ang pilit isinampa ng mga teroristang CPP-NPA sa kanilang kilusan.

Nakikiusap rin sa mga NPA ang isang Nanay na ibalik na ang kanyang anak na sapilitang kinuha di umano ng mga rebelde.

Pinasalamatan naman ni LtC Angelo C. Saguiguit, Commanding Officer ng 17th Infantry Battalion ang mga residente sa kanilang ipinakitang suporta sa pamahalaan sa pamamagitan ng kanilang inisyatibang itakwil ang mga teroristang CPP-NPA sa kanilang lugar at isa aniya itong napakalaking kawalan sa grupo ng mga rebelde.

Facebook Comments