Hinihimok ni Quezon City Rep. Anthony Peter Crisologo ang mga Local Government Units (LGUs) na bigyan ng “hazard pay” ang lahat ng mga barangay officials at workers.
Sa House Resolution 1834 na inihain ni Crisologo, layunin nitong bigyan ng hazard pay ang lahat ng mga barangay officials at workers na nagsilbi bilang mga frontliners ngayong may health crisis.
Tinukoy ng kongresista na mas lalong nabigyang pansin ang mahalagang papel ng mga barangay officials at workers sa gitna ng pandemya.
Naipakita aniya ang kahalagahan ng kanilang trabaho lalo na sa pagtiyak na naipapatupad ang mga national programs magmula sa health promotion hanggang sa pamamahagi ng ayuda.
Punto pa ni Crisologo, ang mga barangay health workers, tanod at ibang barangay employees ay hindi sakop ng rules ng Civil Service Commission (CSC) kaya hindi rin sila nakakatanggap ng kaparehong benepisyo tulad sa mga regular na government employees.
Batay sa September 2020 data ng Department of the Interior and Local Government (DILG), aabot sa 42,046 ang mga barangay sa bansa.