Mga barangay officials na pasimuno sa iligal na sabong sa loob ng sementeryo sa Maynila, sumuko na

Sumuko na ang tatlong barangay officials na unang iniulat na sangkot sa iligal na pagtutupada sa loob ng Manila North Cemetery o MNC noong Biyernes Santo.

Ayon kay Mayor Fransicko “Isko” Moreno nakipag-koordinasyon ang pamahalaang lungsod ng Maynila kay Caloocan Mayor Oca Malapitan kaya’t nakumbinsi ang mga pasimunong barangay officials na sumuko.

Kinilala ang mga opisyal na sina Chairman Brix John Rolly Reyes at mga kagawad na sina Alfie Lacson at John Cris Domingo.


Habang ang isa pang kagawad na hindi pa lumutang na si Romualdo Reyes ay mayroon pang 24 oras upang sumuko sa lungsod ng Maynila gayundin ang isa pa na nakilala lamang sa alyas MacMac.

Pinasalamantan naman ng alkalde ang agarang aksyon ni Mayor Malapitan at ng Caloocan City Police sa pamumuno ni Chief of Police Colonel Dario Menor na siyang naghatid sa mga suspek sa Manila City Hall.

Nauna nang naaresto sa isinagawang operasyon ng MPD-Special Mayors Reaction Team (SMaRT) sina Christopher Fermandez Delos Reyes, Roy Ignacio at alyas Kabron.

Matatandaan na nag-viral sa social media ang naturang sabong dahil diumano’y isinagawa ito ng mga opisyal ng Caloocan City Barangay 129 noong Biyernes Santo sa loob mismo ng naturang sementeryo.

Facebook Comments