Mga barangay outpost na itinayo sa mga bangketa at gilid ng kalsada, sinimulan ng gibain ng Manila LGU

Sinimulan na ng lokal na pamahalaan ng Maynila na gibain ang mga barangay outpost na itinayo sa ipinagbabawal na lugar sa lungsod.

Ito’y kasunod ng ibinababang utos ni Mayor Isko Moreno na walang dapat na palagpasin sa ikinakasang road clearing oeprations kahit pa pag-aari ito ng mga barangay.

Aniya, bahagi rin ito ng kampaniya ng lokal na pamahalaan na linisin ang lungsod sa lahat ng uri ng obstruction.


Kasabay nito, nanawagan si Moreno sa lahat ng chairman ng barangay na maging ehemplo sa kanilang mga nasasakupan at magboluntaryo na rin na gibain ang lahat ng mga iligal na istraktura sa kanilang nasasakupan.

Pakiusap pa ng alkalde, huwag ng hintayin pa ng mga kapitan ng barangay na ang lokal na pamahalaan ang maggiba nito.

Muli ring sinasabi ni Moreno sa mga tutulog-tulog na pinuno ng barangay na may batas ng umiiral sa lungsod ng Maynila at sinisiguro niya na mamanagot ang hindi susunod sa ipinapatupad na clearing operation maging ito man ay opisyal ng lokal na pamahalaan.

Ang pahayag ni Moreno ay kasunod ng ginawang paggiba ng Department of Engineerining and Public Works (DEPW) sa isang outpost ng Barangay 619 sa Sta. Mesa na una nang inirereklamo ng mga residente dahil sagabal ito sa bangketa.

Facebook Comments