Mga barangay sa lungsod ng Maynila, inatasang maglabas ng bagong quarantine pass

Naglabas ngayon ng kautusan ang Manila Barangay Bureau (MBB) sa bawat chairman ng barangay hinggil sa usapin ng quarantine pass.

Sa inilabas na memo ni MBB Chief Romeo Bagay, inabisuhan nito ang mga barangay kapitan na mag-issue ng bagong quarantine pass sa mga nakatira sa lugar na sakop nila.

Ito ay bahagi ng paghahanda ng lungsod sa pagsasailalim sa buong Metro Manila sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) simula mamayang alas-12:01 ng madaling araw, hanggang alas-11:59 ng gabi ng Linggo, April 4, 2021.


Isang quarantine pass lang ang ibibigay kada pamilya kung saan mayroon ring schedule ang paglabas sa mga may hawak nito.

Ibabase ito sa control number kung saan ang mga may odd number sa kanilang quarantine pass ay papayagang lumabas ng Lunes, Miyerkules at Biyernes mula alas-5:00 ng umaga hanggang alas-6:00 ng gabi habang kapag Linggo ay alas-5:00 hanggang alas-11:00 ng tanghali.

Ang mga even numbers ay pwedeng lumabas ng Martes, Huwebes at Sabado mula alas-5:00 ng umaga hanggang alas-6:00 ng gabi habang kapag Linggo ay alas-12:00 ng hapon hanggang alas-6:00 ng gabi.

Umaasa ang lokal na pamahalaan na sa pamamagitan ng bagong quarantine pass ay malilimitahan ang paglabas-masok ng mga tao upang mabawasan ang hawaan ng COVID-19.

Facebook Comments