Pinalakas ang kahandaan ng mga barangay sa San Carlos City sa harap ng mga sakuna sa isinagawang Community-Based Disaster Risk Reduction and Management (CBDRRM) Training na pinangunahan ng mga tagapagsanay mula sa Office of Civil Defense (OCD).
Nilahukan ng 40 kalahok ang tatlong araw na pagsasanay na binubuo ng mga miyembro ng Sangguniang Barangay at mga kinatawan mula sa iba’t ibang sektor ng komunidad.
Layunin ng CBDRRM Training na palawakin ang kaalaman at kakayahan ng mga kalahok sa paghahanda, pag-iwas, at maagap na pagtugon sa iba’t ibang uri ng sakuna, lalo na sa antas-barangay.
Sa pamamagitan ng mga talakayan at praktikal na gawain, tinalakay ang mga hakbang upang mabawasan ang panganib, mapahusay ang koordinasyon sa komunidad, at maprotektahan ang buhay at ari-arian ng mamamayan.
Inaasahan naman ng pamahalaang panglungsod na sa pamamagitan ng naturang pagsasanay ay mas magiging handa ang mga barangay sa San Carlos City sa pagharap sa mga kalamidad at sa pagpapatupad ng angkop at epektibong disaster risk reduction measures.









