Mga Barangay sa Tuguegarao City, Muling Makakatanggap ng P100K

Cauayan City, Isabela- Inihayag ni Governor Manuel Mamba na muling magbibigay ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ng tig-100,000 sa bawat barangay sa Lungsod ng Tuguegarao.

Ito ay karagdagang tulong ng provincial government para sa pagtatayo ng operational na isolation facility sa mga barangay sa Lungsod.

Naniniwala ang Gobernador na sa pamamagitan ng pagbibigay ng karagdagang pondo ay mapababa ng husto ang kaso ng COVID-19 sa lungsod dahil sa mataas pa rin na bilang ng mga tinatamaan ng nasabing sakit.


Nauna nang nagbigay ang Pamahalaang Panlalawigan ng tig-P50,000 sa mga barangay na nakapagtala ng mataas na kaso ng Covid-19 at sinundan ng tig-P100,000 sa 49 na barangay nang muling lumobo ang bilang ng mga nagpopositibo sa Tuguegarao City.

Isinuhestiyon rin ng Gobernador na maaring gamitin ng mga barangay ang mga paaralan para sa mga asymptomatic cases sa kani-kanilang lugar habang ang mga malalaking eskwelahan sa lungsod ay pwede rin aniyang hati-hatiin para sa dalawa (2) hanggang apat (4) na barangay para sa operational na isolation sa barangay.

Muli namang hinikayat ng Gobernador ang mga Cagayanos na makipagtulungan sa paglaban kontra COVID-19 upang tuluyang mapababa ang kaso ng virus sa probinsya at hindi na kumalat pa.

Facebook Comments