Mga barangay tanod, ipinasasama sa mga mabibigyan ng special risk allowance

Umapela si Agusan del Norte Representative Lawrence Fortun sa Department of Budget and Management (DBM) at sa Department of Interior and Local Government (DILG) na isama ang mga barangay tanod sa makakatanggap ng special risk allowance.

Paliwanag ng kongresista, kabilang ang mga barangay tanod sa mga frontliners na lantad din sa direktang contact sa mga may COVID-19.

Ang mga tanod aniya ang multiplier force ng Philippine National Police (PNP) sa mga barangay na siyang nagbabantay ng tumutulong sa mga checkpoints, nagbabantay sa mga pamilihan, nagbibigay proteksyon sa mga health workers at kadalasan ring katuwang sa pamamahagi ng relief goods.


Giit ni Fortun, tulad ng ibang mga frontliners ay may pamilya ding inaalala ang mga tanod.

Para aniya mabigyan ng special risk allowance ang mga tanod, hiniling ng mambabatas na hugutin ito sa 2020 budget ng DILG.

Nauna namang nagpasalamat ang kongresista sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) dahil isinama sa social amelioration program ang mga barangay tanod.

Facebook Comments