Saturday, January 17, 2026

Mga barko na humaharap sa CCG sa WPS, pinarangalan ni PBBM

Pinarangalan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang 16 na yunit at tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) na matapang na nagbabantay at humaharap sa mapangahas na aktibidad ng China Coast Guard (CCG) at Chinese maritime militia sa karagatang sakop ng Pilipinas.

Kabilang sa mga kinilala ang BRP Teresa Magbanua bilang 97-Meter Ship of the Year, BRP Francisco Dagohoy bilang 50-Meter Ship of the Year, BRP Cabra bilang 44-Meter Ship of the Year, at BRP DA-BFAR bilang 30-Meter Ship of the Year.

Ayon sa pangulo, ang mga parangal ay patunay ng di matitinag na tapang, propesyonalismo, at dedikasyon ng PCG sa pagtatanggol sa bansa at sa mamamayan.

Binigyang-diin din ng pangulo na simbolo ng modernisasyon at matatag na paninindigan ng PCG ang mga barkong ito na silang mga unang tumatayo sa harap ng mga panggigipit at panghihimasok sa ating teritoryo.

Tampok sa ika-124 na anibersaryo ng PCG ang pagkilala sa kanilang kabayanihan at walang sawang serbisyo, na patunay na handa silang ipaglaban ang karapatan ng Pilipinas sa sariling karagatan.

Facebook Comments