Mga barko ng China, dapat alisin sa West Philippine Sea giit ng isang kongresista

Iginiit ni Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez sa China na i-withdraw ang lahat ng kanilang barko sa West Philippine Sea bilang pagpapakita na totoo ang alok nilang maresolba ang territorial disputes sa ating bansa.

Pahayag ito ni Rodriguez kasunod ng mga report na sinabi mismo ni Chinese President Xi Jinping kay Pangulong Bongbong Marcos na bukas ito na muling pag-usapan ang oil and gas exploration at resolbahin ang maritime issues.

Para kay Rodriguez, ang nabanggit na mensahe ni President Xi ay mainam na pagsisimula ng maayos na dayalogo.


Pero diin ni Rodriguez, dapat ay payagan na ng China ang mga mangingisdang Pinoy sa Scarborough or Panatag Shoal na kanilang traditional fishing ground at bahagi ng 200-mile exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

Suportado rin ni Rodriguez ang oil and gas exploration na maaring payagan sa mga lugar na malapit sa Palawan gaya ng Recto Bank na bahagi ng ating EEZ subalit dapat ay respetuhin ng China ang ating territorial rights.

Facebook Comments