Mga barko ng China, madali na lamang paalisin sa karagatan ng PH ayon kay Pangulong Duterte

Naniniwala si Pangulong Rodrigo Duterte na madali na lamang paalisin sa kagaratan ng bansa ang mga barko ng China.

Ito ang nakita ng Pangulo nang magawang itaboy ng local coast guard ang isang Chinese naval ship sa Marie Louise Bank, malapit sa Palawan.

Sa kanyang Talk to the Nation Address, sinabi ng Pangulo na hindi talaga nagpapadala ang Pilipinas noon ng warship para magpaalis ng mga banyagang barko, pero sa halip ay ang coast guard ang nagsasagawa nito bilang bahagi ng diplomasya.


Pero tila nagtataka rin ang pangulo kung bakit agad umalis ang barko ng China sa lugar.

Tingin ni Pangulong Duterte, ayaw lamang ng China na magkaroon ng komprontasyon.

Sumangguni ngayon si Pangulong Duterte kay Defense Secretary Delfin Lorenzana hinggil sa insidente, at binanggit niya na mayroon na ring ganitong mga insidente dati kung saan sumunod ang mga barko ng China sa hiling ng local coast guard (PCG) na umalis sa karagatagan sakop ng Pilipinas.

Tugon ni Lorenzana, batid siguro ng China na naglalayag na sila malapit sa Palawan na hindi bahagi ng pinagtatalunang teritoryo o kaya naman ay ayaw lamang ng China na lumikha pa ng tensyon sa lugar.

Facebook Comments