Mga barko ng Pilipinas at mga mangingisda, hinarass sa Bajo de Masinloc; 2 Chinese vessels, nagkasalpukan

Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) na tinangkang guluhin ng mga barko ng China ang isinasagawang “Kadiwa Para sa Bagong Bayaning Mangingisda” program ng pamahalaan.

Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Jay Tarriela, nangyari ito sa bahagi ng Bajo de Masinloc kung saan naghahatid ng mga gasolina, pagkain, at iba pang kailangan ng mahigit 35 bangka ng mga Pilipino ang BRP Teresa Magbanua, BRP Suluan at MV Pamamalakaya.

Pero habang ginagawa ang operasyon, may ibang barko na humarang at nagsagawa ng delikadong galaw kung saan tinangkang bombahin ng tubig ang barko ng PCG.

Sa kalagitnaan ng insidente, nagbangaan ang barko ng China Coast Guard at Chinese Navy.

Nangyari ito nang hinahabol ng CCG 3104 ang BRP Suluan at biglang lumiko, dahilan para sumalpok sa barko ng kanilang sariling Navy.

Nagdulot ito ng malaking sira sa CCG vessel kaya hindi na ito makabiyahe.

Sa kabila niyan, nag-alok pa rin ng tulong ang PCG gaya ng pagsagip sa mga nahulog sa dagat at pagbibigay lunas sa mga nasaktan na tripulante.

Ligtas namang naihatid ng Teresa Magbanua ang mga mangingisda sa mas ligtas na lugar kung saan binigyan din ang mga ito ng dagdag na suplay at gasolina.

Tiniyak naman ng PCG na tuloy-tuloy ang kanilang pagbabantay sa ating karagatan, at hiling din nila ang agarang paggaling ng mga nasugatang tauhan ng CCG.

Facebook Comments