Mga barko ng Pilipinas, hindi dapat umalis sa West Philippine Sea

Kinatigan ni Senator Christopher “Bong” Go ang posisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na manatili ang mga barko ng Pilipinas sa West Philippine Sea, lalo na sa mga lugar na nasa ilalim ng ating Exclusive Economic Zone (EEZ).

Diin ni Go, ang Pangulo ang chief architect ng foreign policy ng ating bansa at kilala niya ito na palaging isinasaalang-alang ang kabuuang interes ng mamamayang Pilipino.

Bilang isang mambabatas ay hangad ni Go na maidaan sa maayos at diplomatikong usapan ang anumang hindi pagkakaintindihan sa West Philippine Sea.


Ayon kay Go, mahalaga rin na ang magkabilang panig ay parehong naghahangad ng mapayapang solusyon sa isyu ng agawan sa teritoryo na naaayon sa mga obligasyon at tungkulin bilang responsableng miyembro ng international community.

Giit pa ni Go, habang ang buong mundo ay nagnanais na malampasan ang kasalukuyang pandemya, ay mas mainam na ang mga bansa ay patuloy na nagtutulungan upang puksain ang COVID-19 at huwag nang dagdagan ang gusot at hindi pagkakaintindihan.

Sinabi ni Go na katulad ng mga Pilipino, ay kailangan ng mga bansa ngayon ang magbayanihan upang madaling malampasan ang krisis bilang isang nagkakaisang sangkatauhan.

Facebook Comments