Mga barkong nasangkot sa maritime incident sa Bataan, posibleng may kinalaman sa oil smuggling – DOJ

Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na iniimbestigahan na ng inter-agency task force ang posibilidad na kasuhan ng oil smuggling ang mga barkong sangkot sa Bataan oil spill.

Naniniwala ang DOJ na malaki ang posibilidad na sangkot sa oil smuggling o paihi ang dalawang barko na lumubog at isang sumadsad nitong Hulyo 24 sa Bataan.

Matatandaan na magkakasunod na nasangkot sa maritime incidents ang MTKR Jason Bradley, MV Mirola 1 at MT Terranova na may dalang 1.4 milyong litro ng industrial fuel oil.


Ayon kay Justice Undersecretary Raul Vasquez, inaalam nila ang lahat ng anggulo sa insidente kung saan kasama nilang nag-iimbestiga ang National Bureau of Investigation (NBI), Philippine Coast Guard (PCG) at Maritime Industry Authority (MARINA).

Sinabi pa ni Vasquez, napag-alaman nila na dating nasangkot ang MTKR Jason Bradley sa kaso ng oil smuggling.

Bukod dito, lumabas din sa imbestigasyon ng NBI na may nakuha silang datos na ang MV Mirola 1 ay nasasangkot rin sa ilang iligal na aktibidad kaya’t pag-aaralan ng DOJ ang posibleng pananagutan ng tatlong barko at kung anong kaso ang maaaring isampa.

Facebook Comments