Nagpaalala ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga operator, tsuper, at konduktor ng mga pampublikong sasakyan na hindi nila maaaring tanggihan ang mga nakatuping polymer banknote at barya na ibinabayad ng mga komyuter bilang pamasahe.
Ginawa ang paalala ng LTFRB kasunod ng mga natanggap nilang reklamo hinggil sa pagtanggi ng ilang operator, tsuper, at konduktor sa nakatuping P1,000 polymer banknote at centavo coins.
Sa ilalim ng Board Resolution No. 062, series of 2023, inaatasan ang lahat ng mga operator, tsuper, at konduktor ng mga pampublikong sasakyan na tanggapin ang mga barya at papel o polymer na pera kahit nakatupi man ito dahil maituturing pa rin na legal na pambayad bilang pamasahe ang mga nasabing pera.
Sinuman ang tumangging tanggapin ang mga nakatuping polymer banknote at centavo coin bilang pamasahe ay maituturing na paglabag sa probisyon na nakasaad sa pag-isyu ng Certificate of Public Convenience (CPC) at maaaring patawan ng kaukulang parusa batay sa umiiral na polisiya ng ahensya.
Hinihikayat naman ni LTFRB Chairperson Atty. Teofilo Guadiz III ang mga pasahero na ireklamo sa kanila kung hindi tinanggap ang kanilang ibinayad na polymer banknote o centavo coin bilang pamasahe.
Maaari umanong itawag sa LTFRB landline 8529-7111 o sa kanilang hotline 1342 at official email ng ahensya.