Manila, Philippines – Ipinasusumite ng House and Ways Committee ang 201 file ng Bureau of Customs kung saan nakasaad dito na 28 mga basketball at volleyball players ang kinuha bilang empleyado ng Customs.
Ayon kay House Deputy Speaker at Raneo Abu nais nilang malaman kung kwalipikado ang mga nasabing players sa pwesto.
Si Abu ang nakakuha ng kopya ng mga pangalan ng mga basketball at volleyball players na pirmado pa ni Customs Commissioner Nicanor Faeldon.
Kinumpirma kagabi ni Faeldon na kinuha ang mga players na empleyado dahil ang mga ito rin ang kanilang kinatawan sa mga sinasalihang liga.
Paglilinaw ni Abu, hindi naman nila minamaliit ang mga ito pero ang gusto lamang nilang malaman ay kung akma ang mga ito sa kanilang posisyon.
Kabilang sa mga basketball at volleyball players ay sina Kenneth Duremdes, Marlo Aquino, Gherome Ejercito, Mark Mabazza, Danielle Michiko Castañeda, Alyssa Valdez, Jonalyn Ibisa, Menchie Tubiera, at maraming iba pa na nakatalaga sa Office of the Commissioner, Intelligence Group at Import Assessment Services.
Sinabi ni Abu na kapag napatunayan na hindi qualified ang mga ito sa puwesto ay ipapatawag nila sa pagdinig ang Civil Service Commission para makwestyon kung paano nakakalusot ang mga ganitong empleyado.