Tuwing umaga at kung saan low tide pa ay makikita sa isang bahagi sa ilalim ng De Venecia bridge ang tumpok na basurang naiipon sa gilid gilid ng kailugan sa Dagupan City partikular sa may kagagawang daanan o tawag ng mga residente ay baywalk.
Ayon sa mga residenteng nakatira sa naturang lugar, hindi nila umano alam kung saan talaga nanggagaling ang mga basurang naiipon ngunit ang alam nila ay mula ito sa iba’t ibang Barangay at naaanod lamang sa kanilang bahagi.
Nililinis naman daw talaga ang parteng ito ng baywalk sa ilalim ng tulay dahil madalas ngang dito naaanod ang mga basura mula sa iba’t ibang lugar kung saan may dinadaluyan ang kailugan pero sadyang patuloy pa rin na may nagtatapon ng basura sa ilog.
Minsan pa ay may makikita pa raw umano silang mga hayop gaya ng aso at pusa na palutang lutang sa ilog at dala ang masangsang na amoy, madalas din na mga basurang makikita ay mga diapers, bottled water at styrophome.
Hindi rin naman nagkulang ang lokal na pamahalaan ng lungsod ng Dagupan sa pagpapaala sa mga residente na huwag magtatapon ng basura sa naturang ilog at panatilihin itong malinis dahil ito ay bahagi na rin ng kanilang kontribusyon at responsibilidad bilang mamamayan sa lungsod.
Pinangangambahan ngayon ng ilan na kung sakali naman dumating na ang panahon ng high tide at tag-ulan ay magsisilutangan ang mga basurang ito sa City Proper at maaaring makaapekto pa sa kalusugan ng mga tao. |ifmnews
Facebook Comments