Mga basurang nahakot sa Manila North Cemetery at Manila South Cemetery, umabot na sa 62 trucks

Parehong nasa ilalim ng pamamahala ng Manila City government ang Manila North Cemetery at Manila South Cemetery.

Ang pagbuhos ng tao sa naturang mga sementeryo ngayong Undas o simula October 28 hanggang ngayong November 1 ay sinabayan ng paglilinis ng mga tauhan ng Manila Department of Public Services (DPOS).

Kaya naman labas masok din sa naturang mga sementeryo ang mga trak na naghahakot ng kalat na iniiwan ng mga dumadalaw sa puntod ng kanilang mahal sa buhay.


Base sa impormasyong inilabas ng Manila Public Information Office sa ngayon ay umaabot na sa 62 truck ng basura o 148 metriko tonelada ng kalat ang nahakot sa Manila North at Manila South Cemetery.

Mas mataas ito kumpara noong Undas o hanggang November 1 ng 2019 na umabot sa 34 na truck ng basura o 136 metriko tonelada.

34 sa nabanggit na mga truck ng basura ay mula sa Manila North Cemetery habang 28 trak naman ay mula sa mga Manila South Cemetery.

Ayon sa tagapagsalita ng Manila LGU na si Atty. Princess Abante, inaasahang madagdagan pa ang naturang mga truck ng basura dahil siguradong bukas ay maroong pang magtutungo sa naturang dalawang sementeryo na posibleng mag-iwan din ng kanilang mga kalat.

Facebook Comments