Mga bata at nakatatanda, pinayuhan ng PNP na huwag nang isama sa mga crowded area tulad ng tiangge at mga pamilihan

Mas makakabuti kung iiwan na lamang sa bahay ang mga bata at senior citizen sa pamimili sa mga Christmas bazaar at mga tiangge.

Ito ang payo ng Philippine National Police (PNP) ngayong ilang tulog na lamang at Pasko na kung saan kaliwa’t kanan ang Christmas shopping.

Ayon kay PNP Spokesperson PCol. Jean Fajardo, baka kasi mawala ang mga bata lalo’t abala ang magulang sa pamimili ng mga regalo.


Habang ang mga nakatatanda naman ay baka sumpungin ng kanilang sakit lalo’t siksikan sa mga pamilihan ngayon.

Kasunod nito muling ipinaalala ni Fajardo na wag magdala ng sobra-sobrang pera sa pamimili, huwag magsuot ng mamahaling alahas at huwag i-display ang mga gadgets na mainit sa mata ng mga magnanakaw.

Para maiwasan ang mga krimen tiniyak naman ng pamunuan ng PNP na mayroon silang itinalagang police assistance desk, checkpoint, mobile, foot patrol at pagtataas ng police visibility.

Nabatid na simula December 15 ay nasa full alert status na ang PNP.

Facebook Comments