Ibinunyag ng Bureau of Immigration (BI) na gumagamit na rin ng ibang taktika ang mga sindikato para mailusot ang mga biktima ng human trafficking patungo sa ibang bansa.
Ayon sa BI, gumagamit na rin ng mga bata at pamilya ang mga sindikato para makalusot sa immigration inspection sa paliparan.
Tinukoy ng BI ang isang naharang na pasahero na magtatrabaho sana sa abroad pero pinalabas nito na may nag-sponsor sa kanya at sa kanyang misis at sa kasama nilang menor de edad.
Gayunman, lumabas sa pagtatanong ng immigration officer na naging paiba-iba ang sagot ng pasahero kaya dito na nabuking ang modus.
Kaugnay nito, pinayuhan ng BI ang mga nais magtrabaho sa ibayong-dagat na kumuha ng kaukulang dokumento mula sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) bago umalis ng bansa.